Noong Sabado ika-7 ng Nobyembre, nagkaroon ulit kami ng isang outreach. Ito ay ginanap sa Carmona, Cavite – sa Tahanan ni Maria. Maraming mga bata at mga teenagers ang sumama sa amin. Siyempre kasama rin ang mga nanay.
Sa unang pagtapak sa kinaroroonan ng aming mga lolo at lola, nakausap ko si Lola Louisa. Kanyang ipinakita at ipinakilala sa akin ang mga tao sa Golden Years Lolo at Lola nakadikit sa isang bulletin board. Aking nalaman na marami na rin pala ang namatay sa kanila at ang iba naman ay hindi na makatayo mula sa kanilang higaan. Nalaman ko rin na sina Lola Mercedes at Lola Rosenda ay naroroon pa. Sila ang mga Lola na una kong nakausap tungkol sa kanilang pamilya at nakaraan noong unang bisita naming sa Tahanan ni Maria. Binigyan din nila ako ng mga payo tungkol sa buhay na matatapos na nilang tahakin at aking palang lalakbayin. Ngunit hindi ako nagkaroon ng pagkakataong bisitahin ang kabilang tahanan. Ang kabilang tahanan ang kinaroroonan ng mga Lolo at Lolang nanghihina na, walang mga mata at hirap na ang pangangatawan.
Nung tapos na si Lola Louisa, nakausap ko naman si Lola Nenita. Noong una ay nakatungo lang siya at tahimik sa may upuan malapit sa labasan ng Tahanan ni Maria. Habang dumadami ang aming napag-uusapan ay sobrang aktibo at madaldal pala ang lolang ito.
Aking nalaman sa kanyang kwento na nakapag-asawa na siya nag-dalawang beses at dalawang beses na rin siyang nababalo. Tubong-Cebu si Lola Nenita at ang unang asawa nya ay taga-Cebu rin. Nakakalungkot isipin ngunit namatay rin ang kanyang unang anak sa unang asawa noong siya ay isang taong gulang pa lamang. Noong nanirahan siya sa Laguna siya ay nakapag-asawa muli. Sa ikalawang asawa ay wala siyang naging anak dahil baog daw ito. Kaya ngayon, walang kamag-anak ang nakaaalam ng kanyang kinaroroonan kung hindi ang isang taong pinagkatiwalaan niya.
Malaki ang galit ni lola Nenita sa isang taong pinagkatiwalaan niya. Ito ay sa kadahilanan sa pagkakadala nito sa kanya sa Tahanan ni Maria. Noong una ang sabi sa kanya ay ipagagamot lang ang kanyang paa dahil hirap siyang maglakad. Ngunit tatlong buwan na ang nagdaan ay hindi pa siya binalikan ng kaibigan. Nararamdaman niya na ang habol ng dating kaibigan ay ang mga alahas at ang bahay niya sa Laguna. Ngayon daw, maaaring ang kaibigan niya ang naninirahan sa bahay na ito dahil dati si Lola Nenita lamang ang nakatira dito noong namatay ang huling asawa. Naisip pa niyang maghiganti dahil sa ginawa ng kaibigan niya. Nakita ko sa kanyang mga mata ang galit sa taong ito. Ngunit sinabi naming na huwag niya ng gawin ang bagay na iyon dahil masama. Maaaring ipagdasal nya ang taong iyon.
Pero naiisip ko rin, mahirap ipagpasa-Diyos ang mga problema kapag halos lahat ng natira sa iyo ay nawala dahil sa kagagawan ng ibang tao, di ba? Lalong lalo na ang ibang taong ito ay ang taong pinagkakatiwalaan mo, ang iyong kaibigan. Nalulungkot ako sa kinuwento niya dahil maaaring naghahanap rin siya ng hustisya. Pakiramdam niya kasi na kulungan ang Tahanan ni Maria. Pero noong aking tinanong kung kamusta ang kanilang pakikitungo at mga serbisyo, sabi nya wala naming problema dahil maganda naman ang kanilang pakikisalamuha sa kanila. Ngunit hindi daw kasi siya sanay na nasa loob lang at nakakulong. Hindi kasi sila pwedeng lumabas lalo na kapag walang kasama. Si Lola Nenita ay hindi sanay na walang trabaho. Gusto nga niyang magtinda kasi datirati’y nagluluto siya ng toron, okoy, maruya at iba pa na pwedeng ibenta.
Nalaman ko rin sa aming kwentuhan na si Lola Nenita ay isang karatista noong kabataan niya. Sobrang aktibo raw niya. Madalas mag-ensayo dahil lumalaban din siya sa mga paligsahan. Sa katunayan tinuruan nya ako ng dalawang blocking moves kapag sasaksakin ka sa may tiyan at pagsasaksakin ka mula sa itaas pababa. Nakakatuwa ang lolang ito. Sabi nga niya kung maaayos lang ang kanyang paa ay kaya pa nya siguro sumipa. Napansin ko rin na hirap ang kanyang kanang kamay. Pero nakikita ko ang lakas sa kanyang mata. Alam ko na buhay na buhay pa ang kanyang kabataan kahit sa kanyang pisikal na katandaan.
Ito ang aming napagkwentuhan habang aking minamasahe ang kanyang kamay, hita at mga paa. Grabe alam niyo bang unang pagkakataon kong magmasahe ng ibang tao, gamit ang lotion at langis. Nakakatuwa ang pakiramdam dahil nasasarapan siya sa masahe at hindi siya nasasakta.
Noong ako ay nagpaalam na dapat ay magmamano ako ngunit tinanggihan niya ito. Hanggang ngayon hindi ko alam kung bakit. Ang iniisip ko na lamang baka ayaw niyang tumanda hehe… Hindi rin natin alam baka may iba siyang dahilan. Nagpasalamat si Lola Nenita at ako man ay nagpasalamat din. Pag-alis ko ay nakita ko ulit si Lola Louisa at nagpaalam na rin sa kanya.
Isa na namang araw ang hindi na sayang dahil marami akong natutunan sa araw na yon. Naramdaman ko kung gaano ko kamahal ang mga lola sa buhay ko lalong lalo na ang Lola Me (Daddy’s side) at Lola Sima (Mommy’s side) ko. Makukulit man sila at aktibo, mahal ko at nirerespeto ko sila.